Posts Tagged ‘Kahulugan ng Pamilya’

Marso 13, 2011. Ika-17 taong anibersaryo ng kamatayan ng aking pinakamamahal na ina, Letecia ang kanyang pangalan. Dalawang taon pa lamang ako nang lisanin niya ang daigdig at tuluyang nagtungo sa piling ng Dakilang Ama. Ito rin ang petsa na itinakdang pakikipanayam sa akin ng ilang mga estudyante mula sa Ramon Magsaysay Technological University – Castillejos Campus.

Ang sumusunod ang naging bunga ng aming pag-uusap:

 

1. G. Danilo V. Rogayan Jr., maari po ba kayong magkuwento tungkol sa inyong pamilya?

Lima kaming magkakapatid, pangalawa ako sa bunso. Pero maagang namayapa ang aking ina dahil sa sakit na breast cancer. Mga nasa dalawang taong gulang ako noong mga panahong iyon. Yung dalawa kong kapatid na babae, yung pangalawa at yung sumunod kinuha ng tiyahin ko sa Cavite, kaming tatlo ng ate kong isa at ng bunso ang magkakasama ngayon. Sa kasalukuyan, may apat akong half-brothers, nagpakasal kasi uli ang Daddy ko kaya nagkaroon kami ng second family.  Danilo Rogayan Sr. ang pangalan ng aking ama at Lecia J. Villar naman ang aking ina.

2.  Sa sinabi mo, maagang namayapa ang iyong ina. Paano ito nakaapekto sa’yo at sa iyong pag-aaral?

Paano nakaapekto sa akin ang maagang pagkawala ng aking ina? Masasabi kong medyo hindi naging maganda nung una kasi kapag nakakakita ako ng mga bata na kasama ang kanilang mga ina, masakit para sa akin. Naiinggit ako sa kanila kasi naramdaman nila ang pagmamahal ng isang tunay na ina. Sa aking pag-aaral naman, yung naging epekto ay maganda kasi ginawang kong motivation ang maagang pagkawala ng aking ina para mas lalo pang magsumikap sa buhay. Lagi kong inaalay sa kanya lahat lahat ng aking mga nagiging achievements at sa kanya ko rin iaalay ang aking magiging diploma kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral sa kolehiyo.

3. Nahirapan ka ba sa pagkakaroon ng pangalawang ina? Paano mo ito natanggap?

Bata pa kasi talaga ako noon kaya hindi ko rin alam masyado ang pagkakaroon ng pangalawang ina, pero nung tumagal na, nalaman ko at naging maayos naman ang pagtanggap ko rito. Noong una, nahirapan ako, natatandaan ko lagi akong umiiyak kasi ilag pa ako sa kanya, parang ayaw ko sa kanya pero noong tumagal at nagkaisip na ako, buong-puso ko nang tinanggap. Minsan may mga bagay na hindi ako nagugustuhan pero hinahayaan ko na lang. Pinalaki kasi ako ng may respeto sa nakatatanda sa akin.

4. Anu-ano yung magandang naidulot ng pagkakaron ng pangalawang ina? At kung may hindi naman magandang naidulot, ano ito?

Siguro ang magandang naidulot sa akin ay naging mas masigasig at mas nagsumikap ako sa buhay. Maaga kong nakita kung gaano kahirap ang buhay at pinangarap ko talaga na paglaki ko, magiging matiwasay ang aking magiging pamumuhay. Nag-udyok rin ito sa akin na bigyang pahalagahan ang pag-aaral kaya marahil ganito ako, napakahalaga sa akin gang aking edukasyon. Sa tingin ko, wala namang hindi magandang naidulot kasi nahubog naman ako sa tama at napalakaing mabuting anak.

5. Ano yung pinakamabigat na problema na kinaharap mo patungkol sa pamilya?

Siguro, yung pinakamabigat na problema na kinaharap ko patungkol sa pamilya ay nung nasaksak si Daddy ko. Mabigat kasi napuno talaga ako ng takot noong nasaksak siya ng wala naman siyang ginagawang mali. Pakiramdam ko noon parang mawawalan na naman ako ng mahal sa buhay, at yun ay napakasakit para sa akin kung magkataon. Ayaw kong maging ulilang lubos, kaya araw-araw kong pinagdasal na makaligtas siya. At salamat sa Diyos kasi nakaligtas siya. Sampung arwa rin ata siya noon na nasa hospital. Marami akong natutunan noon, natuto akong maging responsableng anak at maging mapagmahal sa Daddy ko.

6. Pumunta tayo sa pag-aaral mo ngayon, ano ang kursong kinuha mo at ano o sino ang nag-udyok sayo upang kunin ito?

Nasa ikatlong taon na ako ngayon sa kolehiyo, kumuha ako ng kursong Bachelor of Secondary Education, Major in Biological Science sa RMTU San Marcelino Campus. Hilig ko kasi ang pagtuturo kahit noong bata pa ako kaya siguro yun ang kursong kinuha ko. Napakataas ng respeto ko sa mga guro ko at pingarap ko talagang maging kagaya nila na naghahatid ng karunungan sa mga kabataan. Kung hindi Education, siguro Journalism ang magiging kurso ko, hilig ko ang pagsusulat at pamamahayag.

7. Mula ng ika’y nasa mababang paaralan, lagi kang nangunguna sa klase; ano o sino ang nagtulak sa’yo para pasukin ang pulitika?

Sa totoo lang, ang nag-udyok sa akin na pasukin ang pulitika ay mga guro ko rin noong high school, sayang naman daw kung hindi ko susubukan. Malaki raw ang matutulong ko sa mga kabataan sa aming barangay kapag nagkataon. At yun noong 2007, nahalal ako bilang Sangguniang Kabataan Chairman ng aming barangay sa Brgy. Balaybay, Castillejos, Zambales, kaalinsabay ang paglilingkod ko bilang Secretary General ng SK Municipal Federation ng Castillejos.

8. Wala ka pang karanasan sa pulitika, paano mo hinarap ang unang tungkulin mo bilang SK Chairman?

Wala man akong naging karanasan sa pulitika, palagay ko nakatulong ng malaki ang pagiging aktibo ko sa iba’t ibang organisasyon sa aming paaralan noong elementary at high school ako. Nagamit ko lahat ng mga natutunan ko sa pamamahala at pamumuno sa mga naging pananagutan ko bilang SK Chairman. Kasama na rin ang mga trainings na nadaluhan ko hinggil sa mabuting pamamahala.

9. Ano ang unang proyekto mo na sa tingin mo ay nakatulong ng malaki para sa mga kabataan?

Lagi kong pinagmamalaki sa mga kapwa ko lider na ang pinakamagandang proyekto na talagang nakatulong ng malaki sa mga kabataan ng aming komunidad ay ang aming SK Brigada Eskwela, yun ay proyekto patungkol sa edukasyon na kung saan nagbibigay ang SK ng libreng gamit sa eskwela sa mga elementary pupils na alam naming walang wala sa buhay pero gustong-gustong mag-aral. Marami kasing mahihirap sa barangay na hindi makayanang bumili ng mga gamit ng kanilang mga anak sa eskwela kaya napagkasunduan naming simulan ang ganoong proyekto.

10. Napabalita naman na dapat daw ay tanggalin na ang SK dahil hindi naman ito nakatutulong. Para sayo, pumapayag ka ba rito? Ano naman ang dahilan at sinasabing hindi nakatutulong ang mga SK?

Hindi ako pumapayag sa pagtanggal ng SK, kundi pabor ako sa pagbabago ng konstitusyon nito. Dapat na taasan ang age requirement ng mga kabataang tumatakbo para rito para mas may kahandaan na silang pamunuan ang kapwa nila kabataan. Palagay ko malaki ang naitutulong ng SK lalo’t higit sa paghubog ng mga kabataan para sa kanilang pamumuno sa hinaharap. Mas nagiging bukas ang kanilang isipan sa usaping pampulitika at panlipunan na nakaaambag sa kanilang pangkalahatang pag-unlad. Sa usapin ng korapsyon sa kanilang murang gulang, palagay ko kailangan lang ng mga SK na sapat na patnubay mula sa nakatatanda sa kanila para magabayan sila ng mahinusay. Nang sa ganoon, magiging kapaki-pakinabang sila sa lipunang kanilang kinabibilangan.

11. Hindi madali ang schedule ng kolehiyo, paano mo nakakayanan ang iba’t ibang responsibilidad?

Isa lang ang paraan dyan. Maayos na paglalaan ng oras sa bawat responsibilidad. Kinakailangan kasi na alam mong gamitin ang iyong oras sa tamang pamamaraan nang sa ganun ay maging kapaki-pakinabang ang bawat oras na meron ka. Ako, liban sa pag-aaral, ginugugol ko ang oras ko sa paglilingkod sa iba’t ibang organisasyon sa paaralan at maging sa komunidad.

12. Sa loob ng 3 taong pagseserbisyo, anu-ano ang mga bagay na natutunan mo?

Napakaraming bagay na aking natutunan sa tatlong taong pagseserbisyo sa Sangguniang Kabataan. Marahil ang pinakatumatak sa akin ay ang aral na ang paglilingkod sa iyong kapwa ay isang pananagutang walang kapantay lalo at nakapaghahatid ka ng saya, ng tuwa at ng tulong sa mga kapwa mong kapus-palad. Gayundin, ang aral ng kababaang-loob at pagiging bukas-palad ay mas natutunan ko sa pagseserbisyo

13. Paano mo nalamang gusto mong magserbisyo para sa iba?

May sinasabi kasing call to serve, yun bang parang may tumatawag sa iyo na maglingkod at ialay ang sarili mo para sa iba. At nung nakinig ko na ang tawag na iyon, nagsimula na akong magbigay serbisyo sa aking kapwa. Sabi nga di ba, nilikha tayo ng Dyos hindi lang para sa ating sarili bagkus para maialay rin natin kung ano ang meron tayo sa iba.

14. Ano ang mga karanasang hindi mo makakalimutan sa iyong panunungkulan?

Marahil, ang hindi ko malilimutan ay ang mga mukha ng mga taong nahatiran ko ng saya, ang mga salita ng pasasalamat na sinasabi sa akin ng mga napaglilingkuran ko at ang mga maliliit na bagay na nagagawa ko pero tinitingnan ng mga tao na napakalaking tulong sa kanila.

15. Paano mo nahahati ang iyong oras sa pag-aaral, sa iyong panunungkulan, at sa iba pang gawain lalo na sa inyong bahay?

Gaya ng sinabi ko dapat may good time management. Yun lang ang sikreto ko.

16. Ano ang pakiramdam ng isang National Awardee?

Sobrang saya ko, dati pinangarap ko lang na magkaroon ng national award, ngayon natupad na at talagang napakablessed ko. Bale dalawang national awards natanggap ko noong December 2010, nanalo ako ng 3rd place sa National Rizal Essay Writing Contest, kalaban ang mga primyadong pamantasan at kolehiyo sa bansa. Tapos yung isa ay ang National Ayala Young Leaders Congress, isang national serach sa mga pinakamahuhusay na lidir kabataan sa bansa. Alay ko ang lahat ng ito sa lahat ng mga taong naniwala at naghubog sa akin. Isa iting karangalang hindi lamang sa akin kundi sa lahat ng mga mahal ko sa buhay.

17. Noong nakaraang eleksiyon, tumakbo ka sa pagiging Brgy. Kagawad ngunit hindi ka pinalad. Sa susunod ba ay tatakbo kang muli upang ipagpatuloy ang pagseserbisyo? O hihinto ka na?

Hindi na ako tatakbo sa susunod hindi dahil sa natrauma ako kundi dahil nais ko naming tutukan ang buhay ko bilang isang guro. Dalawang taon mula ngayon, nakikita ko na ang sarili ko sa isang pamantasan, nagtuturo ng mga mag-aaral. Marahil, sa ibang panahon, may puwang pa para sa akin sa pulitika. Ngunit gaya ng sabi ko, walang pinipili ang pagseserbisyo. Hindi kailangang halal ka sa isang posisiyon para makapaglingkod. Kung talagang nasa puso mo ito, maglilingkod at maglilingkod ka. Hindi ako kailanman hihinto sapagkat nasa puso ko ito.

18. Ano ang maaari mong maipayo sa mga kabataan upang tulad mo bilang isang ulila sa ina ay magsumikap din sa buhay?

Kailangan nyong tanungin ang sarili nyo, bakit ba ako nabuhay? Ano ba ang layunin ko? Kapag alam mo ang layunin mo, tuparin mo ito, wag kang matakot at wag kang sumuko, magsumikap ka sa buhay upang makamtan mo ang tagumpay.