Wrongking System, Padrino System, Palakasan System, atbp.

Isang oras akong naghintay bago dumating ang taong nais kong makadaupang-palad. Nang dumating na siya, tinanong niya ano ang kailangan ko. Sinabi kong mag-ke-courtesy visit lang ako. Niyakag niya ako patungo sa kanyang tanggapan. Nadatnan namin roon ang anim na empleyado, abala sa kanilang ginagawang mga paper works. Pagkapasok ko, pinaupo muna ako sandali. Naghintay ako ng 10 minuto habang tinatanghod ang kabuuan ng silid na iyon. Pagkatapos ay tinungo ko na ang upuang nakaharap sa mesa ni Mayor, oo ng alkalde ng aming bayan sa Castillejos, Zambles, si Mayor Jose Angelo Dominguez. Unang pagkakataong makakausap ko ang alkalde. Kabado ngunit kailangan kong magkaroon ng lakas ng loob.

“Anong maipaglilingkod ko?” bungad ng alkalde sa akin. Sinabi ko na may liham ako at yun ay kanyang binasa. Mga tatlong minuto niya atang tinunghayan ang aking legal size na liham. Matapos noon, iniabot niya ang kanyang kamay sabay sabing, “Congratulations!” Nabuhayan ako ng loob, gumuhit ang ngiti sa aking mga labi at tila nagising ang mga ugat ng buo kong katawan. Matapos ng bating iyon ni mayor ay unti-unti nang namutawi sa aking mga bibig ang mga karagdagang detalye ng aking liham.

Inilahad ko ang mga detalye hinggil sa dalawang national achievements na aking nakamit – ang 3rd Place ko sa National Essay Writing Contest at ang pagkakasama ko sa National Ayala Young Outstanding Young Leaders. At hindi ko namalayang tila nakikipag-usap na lamang ako sa isang kaibigang malaon ko nang kakilala. Lumawak ang aming usapan ng alkalde hangga’t sa tinanong niya ako, “Ano nga palang course mo?” Sinagot ko siya,”Bachelor of Secondary Education po, Major in Biological Science.” Matapos kong banggitin ang aking kurso, marami na siyang ibinahagi tungkol sa propesyong aking gustong pasukin.

Unang punto na kanyang sinabi, dapat raw ang DepEd sinusunod ang ranking sa pagbibigay ng item. Oo naman, dapat lang yun. Kung sino ang nasa Top 1, siya ang makakakuha ng item o yung unang dapat na mapermanent. Pero ang katotohanan, hindi nangyayari yun. Masakit mang isipin pero hindi naman nasusunod ang sinasabi nilang ranking. Isa sa mga high school teachers ko noon ang Top 1 sa Division Ranking, sa Science, pero hindi naman siya ang nakakuha ng item kahit pa higit sa 20 years na siyang nasa serbisyo. Ang nakakuha ay wala pa sa Top 30. Nakakalungkot pero yan ang wrongking este ranking system ng DepEd.

Ikalawang punto ni mayor, bakit pa raw ranking system ang ginagawa bakit hindi na lang paramihan ng kakilala, kung di rin naman nasusunod. Naalala ko tuloy ang biro sa akin ng isa sa mga high school teachers ko, “It’s not WHAT you know but its WHOM you know.” Nakakalungkot man pero karamihan sa mga unang napepermanente ay yung mga tinatawag nilang “malapit sa kusina” o yung “may mga kapit.” Kawawa ang isang guro na walang kakilala – sikat na personalidad, politiko o di kaya’y kawani o ‘bisor ng DepEd na magbaback-up sa kanya. Sabi nga ng isa ko pang high school teachers noon, dapat pag pumunta ka sa opisina ng mga “diyos ng DepEd”, hindi lang yung letter of application for the item ang dala mo, dapat may dala ka ring isang sakong bigas, o kaya’y isang kambing o kung mas mapili, isang baboy. Yun raw ang tinatawag na “bigay-kaya,” kapalit ng kanilang pagbibigay ng item sa isang guro. Hindi lang pala sa teacher ko nangyari yun kundi maging sa iba pang mga gurong kakilala ko. Sobrang kalunus-lunos!

Ikatlong punto ng alkalde, dapat walang palakasan system.Dapat lang na wala, pero sa realidad nagaganap ang ganitong bulok na sistema. Naikuwento noon lamang isang lingo ng dati kong guro noong high school na UBD o Understanding by Design na raw ang ginagamit sa pagtuturo sa DepEd ngayon. Sabi sa akin, dapat ko na raw matutunan yun lalo na at isa akong Education student. Positibo naman ang tugon ko. Naibahagi rin ng aking former high school teacher na kapag nag-oobserve raw ang mga supervisor, UBD na ang kanilang tinitingnan. Nakakalungkot nga lang raw sapagkat wala man lang daw nakikitang maganda sa kainilang pagtuturo pag inoobserbahan silakundi puro mga negative comments. Sabi ko nga, “bakit naman po ganun, fault finder sila?” Hindi man lang nila nakikita yung efforts ng mga teachers kundi ang tinitingnan nila ay ang mga pangit at mga maling magagawa ng mga guro. At ang masama pa roon ay mismong sa loob ng classroom sinasabi ng mga observers ang mga pagkakamali ng mga guro. Sa loob ng classroom mismo ginagawa ang post con! Kahabag-habag na mga guro! Kaya nga raw minsan ay natatakot ang mga guro na magpa-observe. Nabanggit rin ng aking dating guro na may mga eskwelahan ang “exempted” sa ginagawang observation. Pero makikita mo na lang may evaluation sheet sila na pirmado ng mga observers kahit walang naganap na observation. Palakasan system!

Yun ang tatlong puno ni Mayor sa aming naging talakayan. At sinabi niya sa akin nay un raw anglagi niyang ikinikintal sa DepEd kapag naiimbitahan siyang magsalita. Sabi niya sa akin na sana raw pag ako na ay isang ganap na guro, wala na ang ganitong mga bulok na sistema.

Lumabas ako sa silid na iyon nang may ibayong pangarap, hindi lamang maging isang ganap na guro kundi maging isang ganap na guro na malaya, malaya sa mga iregularidad, kabuktutan at kabulukan na siyang unti-unting nagpapabulok sa sistema ng pagpapalakad sa DepEd ngayon. Hangad ko na sana pagpasok ko sa mundo ng pagtuturo, patay na ang ugat ng mga mapagsamantala at ganid sa puwesto, tuluyan nang naglaho ang mga sistemang hindi naman dapat umiiral at malawakan na ang pag-usbong ng paniniwalang ang pagiging GURO ang siyang pinakadakilang propesyon sa lahat, propesyong walang bahid pulitika o bahid ng anumang kabuktutan.

Hangad ko na sana ang DepEd na aabutan ko, sakali mang makapasok ako sa propesyong ito, ay wala ng Wrongking System, Padrino System at Palakasan System at ang magiging motto na ng lahat ng mga gaya kong Education student ay “It’s not WHOM you know but it’s WHAT you know!”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s