Posts Tagged ‘Buwan ng Wika’

BUWAN NG WIKANG PAMBANSA 2013

 Ramon Magsaysay Technological University – San Marcelino

San Marcelino, Zambales

Agosto 30, 2013

Tema:    “Wika Natin ang Daang Matuwid”

 

G. Danilo Villar Rogayan Jr.

Panauhing Pandangal

            “Ang hindi umibig nang lubos sa kanyang sariling salita ay mas masahol pa sa nakasusulasok na amoy ng nabubulok na isda.”

 

Sa ating masigasig na Kanselyer ng RMTU South Campuses, Propesor Ferdinand M. Domingo, sa napakamapagpunyaging dekano ng Dalubhasaan ng Pagsasaka at Paghahayupan, Dr. Nestor Z. Rondina, sa masipag na Tagapamanihala ng Dalubhasaan ng Edukasyon, Sining at Agham, Propesor Luz N. Corpuz, sa napakahusay na Tagapamanihala ng Dalubhasaan ng Pamamahala sa Hotel at Restawran, Propesor Nora A. Alcayaga, sa masipag na Tagapag-ugnay Pangkampus sa Samahang Pang-mag-aaral at Publikasyon, Prop. Lorina P. Bundang, sa kapita-pitagang Campus Registrar, Dr. Beverly I. Agustin, sa aking mga kapwa dalub-guro sa pamantasang ito sa pangunguna ni Propesor Marietta S. Romera, Pangulo ng Facultad, mga kawani, mga lakan at lakabini, mga mag-aaral, mga panauhin at sa tanang naririto, isang marubdob na pagbati ng isang mapagpalayang umaga!

 

Ang tanggapin ang hamon na magbahagi ng isang pananalita hinggil sa ating ipinagdiriwang ngayon ay hindi madali para sa akin. Atubili ako noong una na tanggapin ang napakabigat na pananagutang ito. Ang tanong na tumatakbo sa aking isipan ay kung paano ko mabibigyang-dignidad ang maging panauhing pandangal sa napakahalagang palatuntunang ito. Ngunit pasasalamat po ngayon pa lamang sa Samahang SIKAT Filipino sa paanyayang ito. Sa mga kamalian pong aking masasabi, ang inyo pong paumanhin.

gg

Wika Natin ang Daang Matuwid

“Wika Natin ang Daang Matuwid,” ito ang paksa ng ating taunang paggunita ng Buwan ng Wikang Pambansa. Kung ating lilimiin tila napakalalim ng mensaheng nais ipaabot ng ating paksa.  Ngunit sa pangalawang tingin ay mamamalas natin ang gampanin ng wikang Filipino sa katuparan ng ating pangarap tungo sa tuwid na daan. Dagdag pa rito, ipinahayag ng Komisyon sa Wikang Filipino na kinapapalooban ng tema sa taóng ito ang kapangyarihan ng wikang Filipino na tumatagos sa iba’t ibang sektor ng lipunan at sa lahat ng uri ng pamumuhay. Ikaw man ay mag-aaral, magsasaka, guro, mananaggol, tagawalis sa daan o simpleng tao, gumagamit ka ng wikang Filipino. Kaya nananalig ang KWF na sa kabila ng pagkakaiba-iba ay nagkakaisa tayo dahil sa wikang Filipino na siyang tinig ng ating kultura, kasaysayan at pagkatao. Dahil sa ating pagkakabuklod, ito ang isa sa mga kasangkapan tungo sa bisyon ng matuwid na daan ng dangal at kaunlaran.

 

Batid nating lahat na ang ating wika ay mahalagang kasangkapan ng pakikipagtalastasan at nagbibigay-daan upang ang bawat isa ay tunay na magkaunawaan. Ang mga kaisipan at mga kakintalang nais nating iparating ay madaling naiintindihan dahil sa pagkakaroon natin ng isang wikang pambansa. Ang patuloy na pag-unlad at paglinang ng ating wika ang magdadala sa atin sa dulo ng tuwid na landas. Hindi maitatatwa ang mga pagsubok na kinaharap noon ng Surian ng Wikang Pambansa sa pagpili ng magiging opisyal na wika ng Filipinas. At sa kasalukuyan, walang untol na nililinang at pinayayabong pa ang wikang Filipino hindi lamang sa loob ng akademyang gaya rito bagkus maging sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan.

 

Ang Ortograpiyang Filipino

Sa katunayan, inilabas ngayong taon ang binagong gabay sa ortograpiya ng Wikang Filipino. At kagabi ay nakuha ko ang ika-limang borador ng sipi ng nasabing ortograpiya. Ayon kay Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura, ang gabay sa ortograpiya o palatitikan ng wikang Filipino ay binubuo ng mga tuntunin kung paano sumulat gamit ang wikang Filipino. Hinango ang mga tuntunin sa mga umiiral na kalakaran sa paggamit ng Wikang Pambansa, bukod sa napagkasunduang mga tuntunin, bunga ng mga forum at konsultasyon, hinggil sa mga kontrobersiyal na usapin sa ispeling. Ninanais palaganapin sa gabay na ito ang estandardisadong mga grafema o pasulat na mga simbolo at ang mga tuntunin sa paggamit at pagbigkas ng mga simbolong ito. Itinatanghal din dito ang mga naganap na pagbabago mula sa panahon ng abakadang Tagalog bunga ng modernisadong alpabeto at bunga na rin ng umuunlad na paggamit sa Wikang Pambansa.

 

Kung kaya nga nararapat na malaman natin ang mga tuntuning nakapaloob sa ating ortograpiya upang mas masabi nating wika natin ang tuwid na daan.

 

Pilipinas o Filipinas?

 

Nagkaroon ng napakalaking usapin kamakailan sa naging resolusyon ng Komisyon sa Wikang Filipino hinggil sa paghihikayat ng paggamit ng Filipinas na nasa titik F mula sa Pilipinas na nasa titik P, bilang opisyal na pangalan ng ating bansa. Ito ay bunsod ng dagdag na walong letra sa ating alpabeto na C, F, J, Ñ, Q, V, X and Z. Kung ating babalikan ang pilas ng ating kasaysayan, noong Disyembre 30, 1935 ay isinilang ang ating Wikang pambansa. Mula sa Tagalog, ang ating Wikang pambansa ay tinawag na Pilipino na nakabaybay sa titik P at kalauna’y kinikilala bilang Filipino na nakabaybay na sa titik F. Ang patuloy na pag-unlad na ito ng ating wika ay salamin ng pagiging matatag natin bilang isang bansa.

 

Kung kaya sa pangunguna ng KWF, ninanais nilang maging consistent ang Filipino sa salitang Filipinas na noon pa ma’y likas ng baybay ng pangalan ng ating bansa. Ang pangalang ito ay binigay ni Ruy López de Villalobos noong 1548 at opisyal na ginamit ni Miguel López de Legazpi nang kanyang itinatag ang kolonyang Kastila simula noong 1565, at patuloy na ginamit sa loob ng 300 taon hanggang sa panahon ni Rizal at Bonifacio, at muling ginamit sa pangalan ng unang republika sa Asya — ang “Republica Filipinas” na itinatag sa Malolos noong 1898. Pilipinas naman ang ginamit simula noong 1941 nang sinimulang hikayatin ang mga tao sa paggamit ng abakada na walang titik F.

 

Ngunit ang tanong ngayon, compulsory ba ang pagpapalit na ito sa lahat ng ahensya ng pamahalaan gaya na lamang ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Unibersidad ng Pilipinas? Ang sagot po ay hindi, nasa mga institusyong ito kung nais nilang magpalit o hayaang ipreserba ang mga kasalukuyang baybay ng kanilang mga ahensya at maging bahagi ng kasaysayan ng wika sa panahon na ginagamit pa ang abakada. Ang resolusyon ng KWF ay humihikayat sa mga organisasyon na bubuuin sa hinaharap na gamitin ang Filipinas sa halip na Pilipinas.

 

Kailangan bang palitan din ang Pinas sa Finas at Pinoy sa Finoy? Hindi rin po kinakailangan sapagkat ang Pinas ay nagmula sa ikatlo at ikaapat na pantig ng FiliPINAS at ang Pinoy ay nagmula lamang sa Pinas kung kaya’t hindi ito maaapektuhan sa pagbabalik-paggamit ng salitang Filipinas na nagmula sa salitang PIlipinas.

 

Hindi ba’t ang pagpapalit na ito ay bahid ng colonial mentality? Maaaring totoo sapagkat ito ay nagmula kay King Philip ng Espanya pero ito rin ang sagisag ng pagkakaugnay-ugnay at pagkakabuklod ng mga barangay, tribu at mga isla ng ating arkipelago. At hindi sapat na sabihin na ang pagtawag sa ating bansa na Pilipinas ay nangangahulugan ng pagkamakabayan. Ano ba kasing problema sa salitang Pilipinas? Gaya ng pagpapalit sa salitang Pilipino na ginawang Filipino noong dekada 70, ang pagpapalit ng Pilipinas sa Filipinas ay bunsod ng alaala ng Tagalog na iniiwasan po ng KWF sapagkat ang wikang Filipino ay hindi Tagalog, ito ay amalgamasyon ng iba’t ibang wika sa Filipinas.  Kung kaya nga hinihikayat ang Mother-Tongue Base Language Education sa mga antas elementary upang mas mapatatag ang mga katutubong wika na siyang sandigan ng ating wikang pambansa.

 1175623_476720115758241_2058335609_n

Ang Wika Natin ay Wika ng Katarungan at Kapayapaan

Ang wika natin ay wika ng katarungan at kapayapaan. Ang kapangyarihan ng wika na mapanagutin ang mga may-sala at maparusahan ang mga nagkamali ay unti-unti nang nangyayari sa ating lipunan tungo sa pagkamit ng tunay na katarungan. Ang wikang Filipino rin ang ginagamit na instrumento upang ang kapayapaan ang siyang pumailanlang sa puso ng bawat Filipino anuman ang lalawigang pinagmulan o pananamplatayang kinabibilangan.

 

Ang Wika Natin ay Laban sa Katiwalian

Ang wika natin ay laban din sa katiwalian. Ang ating kaalaman sa ating sariling wika ang siyang magbibigay-lakas sa atin sa ating pakikipagtunggali sa anumang uri ng katiwalian. Sa pamamagitan ng wika, maisusuplong natin sa mga awtoridad ang sinumang lumalabag sa ating mga karapatan, umaabuso sa ating pagkatao at dumurungis sa ating katauhan.

 

Ang Wika Natin ay Sandata Laban sa Kahirapan

Ang wika natin ay sandata laban sa kahirapan. Ngunit sa paanong pamamaraan? Sa pamamagitan ng mga dayalogo at pakikipagtalamitam sa mga pinuno ng pamahalaan, mababatid natin ang mga karaingan ng bawat mamamayan sa bawat sulok ng Filipinas. Dahil sa wika, matutugunan natin ang mga karaingang ito sa paraang malalabanan natin ang banta ng kahirapan.

 

 

 

Ang Wika Natin ay Wika ng Mabilisan, Inklusibo, at Sustenidong Kaunlaran

Ang wika natin ay wika ng mabilisan, inklusibo, at sustenidong kaunlaran. Kung ating iisipin, saan ba nagsimula ang lahat? Saan ba nagmula ang bawat teknolohiya na meron tayo ngayon? Saan ba nagbuhat ang bawat pagbabagong dala ng modernisasyon? Hindi ba’t ang lahat ng ito ay nagsimula sa pamamagitan ng wika sapagkat ang ating wika, ang wikang Filipino ay wika ng pagsulong na mabilisan at dinamiko, wika ito ng kaunlaran na inklusibo, sustenido o napananatili. At sana ang bawat isa sa atin na naririto ngayon ay maging tagapagpadaloy ng pagbabago sapagkat ang pagbabago ay palaging nagsisimula sa ating mga sarili. Nwa’y tayo’y maging bahagi ng solusyon at hindi ng mas malaking konsumisyon.

 

Ang Wika Natin ay Wika sa Pangangalaga ng Kapaligiran

            Ang wika natin ay wika sa pangangalaga ng kapaligiran. Sa kabila ng globalisasyon at industriyalisasyon, hindi dapat nating kaligtaan ang ating napakahalagang gampanin  sa pangangalaga ng ating kapaligiran. Ang ating wika, ang wikang Filipino ay napakamakapangyarihan upang maging daan sa katuparan ng adhikaing ito. Dahil sa wika, maibubulalas natin ang ating mga saloobin hinggil sa iba’t ibang suliraning pangkalikasan na kung saan tayo ay may malaking pananagutan.

 

Bilang pagbubuod, ang lahat ng aking nabanggit na gampanin ng wika ay nakasandig sa ating pagtalunton sa tuwid na daan na siya rin namang panagimpan ng pangulo ng ating bansa. Sa kabila ng mga pagbabagong ating nararanasan, higit nating dapat mabatid ang kahalagahan ng wikang Filipino sa pagtataguyod ng pambansang kaunlaran, pambansang pagkakakilanlan, pambansang kultura at pambansang kasaysayan.

 

Wika ang tumubos ng ating kasarinlan. Wika ang lumaban sa mga mapaniil na dayuhan. Wika ang nagsilbing tulay ng ating demokrasya. At wika rin ang tuwid na daang ating inaadhika.

 

Bilang pangwakas, may isa akong mahalagang katanungan sa bawat isa na nais kong makahingi ng kasagutan… Like nyo bangmag-WiFi? Like nyo ba talagang magWiFi? Ako, like na like kong mag-wifi, mag-Wikang Filipino, para laging connected. Sapagkat ang diwa ng ating pagiging isa sa pagtahak sa tuwid na landas ay ating makakamit kung matuto tayong magpahalaga, magmahal, magpayabong at magpunyagi ng ating wikang pambansa. Bilang mga Pilipino, tanggapin natin ang hamon ng makabagong panahon na huwag kaligtaan ang timyas at ganda ng ating wika at huwag mapatangay sa agos ng globalisasyon bagkus ay patuloy natin itong palakasin at patatagin tungo sa isang bansang may tuwid na daan.

 

Muli, isang maaliwalas na umaga sa ating lahat! Maraming salamat po!

 

 

 

Castillejos, Zambales

29 Agosto 2013

Pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang temang Wika Natin ang Daang Matuwid para sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Agosto, alinsunod sa Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997.

Kinapapalooban ng tema sa taóng ito ang kapangyarihan ng wikang Filipino na tumatagos sa iba’t ibang sektor ng lipunan at sa lahat ng uri ng pamumuhay. Nananalig ang KWF na sa kabila ng pagkakaiba-iba ay nagkakaisa tayo dahil sa wikang Filipino–ang tinig ng ating kultura, kasaysayan at pagkatao. Dahil sa ating pagkakabuklod, ito ang isa sa mga kasangkapan tungo sa bisyon ng matuwid na daan ng dangal at kaunlaran.

Hinati din ang pangkalahatang tema sa taóng ito sa sumusunod na diwa ayon sa medium term plan ng KWF:

• ANG WIKA NATIN AY WIKA NG KATARUNGAN AT KAPAYAPAAN
• ANG WIKA NATIN AY LABAN SA KATIWALIAN
• ANG WIKA NATIN AY SANDATA LABAN SA KAHIRAPAN
• ANG WIKA NATIN AY WIKA NG MABILISAN, INKLUSIBO AT SUSTENIDONG KAUNLARAN
• ANG WIKA NATIN AY WIKA SA PANGANGALAGA SA KALIGIRAN

Hinihikayat ang madla na aktibong makilahok sa mga programang inihanda para sa taóng ito. Pinakatampok sa Buwan ng Wika ang Pambansang Kongreso sa Wika na gaganapin sa Agosto 19-21, 2013. Ang kongreso ay inaasahang daluhan ng mga dalubhasa sa iba’t ibang larang upang talakayin ang mga napapanahong isyung kinakaharap ng wikang Filipino at mga kapatid na wika nito sa bansa. Nagtipon din ng mga programa at proyekto ang KWF para sa pagdiriwang sa taóng ito sa paglulunsad ng opisyal na Pambansang Programa, mula sa iba’t ibang mga pamantasan sa buong Filipinas. Kasama na rin sa hanay ng mga programa ang timpalak sa pagsulat na Gawad KWF sa Sanaysay at ang parangal sa Dangal ng Wikang Filipino na kapuwa taon-taong nagpupugay sa mga indibidwal na nag-ambag para sa pagyabong ng wikang Filipino.

Ang KWF ang natatanging ahensiyang pangwika sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Filipinas. Itinatag sa pamamagitan ng Batas Republika Blg. 7104 ng 1991, inaatasan itong “tiyakin at itaguyod ang ebolusyon, pagpapaunlad at pagpapayaman pa ng Filipino na wikang pambansa ng Filipinas, batay sa umiiral na mga wika ng Filipinas at iba pang wika.”

 

Pinagbtayan:

http://www.kwf.gov.ph