Opening message of the Secretary of Education at the launch of the K to 12 Basic Education Program, April 24, 2012

Posted: April 25, 2012 in Education
Tags: , ,

Pambungad na pananalita ni Kalihim ng Edukasyon Armin Luistro:
Sa paglunsad ng K to 12 Basic Education Program

[Inihayag sa Rizal Ceremonial Hall, Palasyo ng Malakanyang, noong ika-24 ng Abril 2012]

Sa ating mahal na Pangulo, Benigno S. Aquino III, sa ating mga iginagalang na Mambabatas sa Senado at Kongreso, sa mga piling panauhin at kaakibat sa repormang pang-edukasyon, at lalo’t higit sa aking mga boss sa Kagawaran—ang aming mga guro at mag-aaral:

Isang mataimtim na pagbati sa araw na ito.

Noong ika-5 ng Oktubre 2010, Pandaigdigang Araw ng mga Guro, hindi pa man nakakaisang-daang araw ang ating Administrasyong Aquino, inilahad na natin ang planong repormang pang-edukasyon—ang enhanced K to 12 program. Dito natin inihayag ang ating pangarap na tuluyan na nga nating mabago ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Ngayon, matapos ang mahigit isa’t kalahating taon ng masusing pag-aaral at konsultasyon, ikinararangal kong ibahagi sa inyo, mahal na Pangulo, at sa ating mga kababayan ang bunga ng panatang ito.

Layunin ng K to 12 program ang curricular reform at innovation. Ang alinmang pagbabago sa curriculum ay dapat nakatuon sa dalawang mahahalagang bahagi: ang nilalaman ng curriculum at ang paghahanda ng mga guro.

Sinimulan natin ang paghahanda ng bagong curriculum kasama ang ating Multi-Stakeholder Task Force upang magabayan ang pagsasaliksik at pagpapatupad ng programa. Kabilang sa Task Force na ito ang mga pinuno at kinatawan hindi lamang ng DepED, CHED, at TESDA kundi pati na rin ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, ang ating mga katuwang na Mambabatas, mga dalubhasa sa edukasyon—mapapribado o publiko man, mga kasamang NGOs at business groups at siyempre ang mga guro, magulang, at mag-aaral.

Pinag-aralan din ng Task Force hindi lamang ang mga karanasan sa Pilipinas kundi pati na rin ang mga mahuhusay na gawain at pananaw galing sa mga ibang bansa lalo na sa mga kalapit natin sa Southeast Asia. Maipagmamalaki natin ngayon na ang ating curriculum ay gawang Pilipino, para sa mga Pilipino, at handang tapatan ang kahit alin sa mundo!

Ang bagong curriculum na ito ay nagsisimula sa programang Kindergarten para sa lahat ng batang limang taong gulang. Nais ko muling magpasalamat sa ating Pangulo at sa ating mga kaakbay sa Senado at Kongreso sa pagpasa ng Republic Act No. 10157, ang Kindergarten Education Act. Sa inyong tulong at suporta, ang pangarap nating Universal Kindergarten ay isa nang katuparan para sa lahat ng mga batang Pilipino at hindi lamang sa mga kayang makapagbayad.

Ang bagong curriculum na ito ang magbibigay sa bawat batang Pilipino ng kinakailangang kakayanan na angkop para sa ating siglong o ang tinatawag nilang 21st century skills. Dito, ang bawat magtatapos sa high school ay magkakaroon ng tunay na husay sa mga pangunahing pamantayan at makakatahak ng mas malinaw na daan tungo sa trabaho, pagnenegosyo, o mas mataas na antas ng pag-aaral sa kolehiyo.

Sa pagbubukas ng SY 2012-2013, ipapatupad na ang bagong curriculum para sa mga mag-aaral sa Grade 1 at Grade 7 (na siya nating itatawag sa bagong 1st Year Junior High School). Ikinagagalak nating banggitin na dahil sa sikap at pagtutulungan ng maraming tao, ang curriculum na ito ay natapos noong Pebrero at sinimulan na itong ipamahagi sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan noong buwan ng Marso. Ang mga inimprentang teaching guides at learning modules para sa Grade 1 at 7 ay maipapadala na rin sa mga public schools bago magsimula ang klase sa Hunyo. Kasama rin dito ang activity sheets para sa lahat ng mga papasok sa kinder.

Maipagmamalaki man natin ang ating bagong curriculum, tanggap naman naming hindi ito perpekto at marami pa tayong pwedeng mas pagandahin at ayusin. Babantayan namin sa unang taon ng pagpapatupad at lalong paiigtingin at itataas ang antas. Sa patuloy na pagsubaybay sa bagong basic education curriculum makakasiguro tayong mas mapapatibay natin ito sa pagdaan ng panahon.

Bukod sa bagong curriculum at mga gamit sa pagtuturo, mahalaga rin na makapaghanda ang mga guro upang maging maayos at matagumpay ang pagpapatupad nito. Para dito, ang aming summer training program para sa mga guro ng Grade 1 at 7 ay nagsimula noong isang linggo at magtatapos sa Mayo. Matutulungan ng programang ito ang higit pa sa 140,000 mga guro sa ating mga pampublikong paaralan. Kami rin ay nakipagtulungan sa iba’t ibang private school associations upang matulungan pati na rin ang kanilang mga guro sa training program na ito.

Para sa ating mga kababayan na matagal nang nagmamatyag sa repormang pang-edukasyon, alam natin na ang mga pagbabagong ito ay isa lamang pagpapatuloy at pagpapabuti sa sinimulan na ng BESRA o Basic Education Sector Reform Agenda noong 2006. Nakapaloob dito ang ating hangarin at pangakong Education for All bago magtapos ang taong 2015. Lalo pa nating pinapatatag ang School-Based Management, isinasaayos din ang Teacher Education and Development, inilalatag ang mga angkop na National Learning Strategies, habang isinasaayos natin ang akmang bilang ng mga empleyado at mga tagapamuno ng Kagawaran.

Mahal na Pangulo, sa pagbubukas ng klase ngayong Hunyo, lahat sa mga ten-point basic agenda ay:

1. mauumpisahan na natin ang 
pundasyon para sa pagpapalawig ng ating sistema ng edukasyon na aabot sa 12 taon ng basic education bagaman kailangan pa nating maisabatas ang dalawang dagdag na taon para sa Senior High School para makapagbukas tayo ng programang ito sa buong bansa sa taong 2016, masigurado nating masusuportahan ito ng sapat na budget, at maipagpapatuloy ng susunod na mga administrasyon;

ipinangako ninyong education reform maisasakatuparan na:

2. higit pa sa 92 porsyento ng mga limang taong gulang na bata ay pumapasok na sa Kinder;

3. handa na tayo para isulong ang Madaris education sa mga bahagi ng bansa na mayroon mga mag-aaral na Muslim habang iniumpisahan na rin natin ang pagsusulong sa Indigenous Peoples framework of education;

4. kasama si Sec. Joel Villanueva at ang TESDA sa pagpapatibay ng tech- voc education lalo na mula Grade 7 hanggang Grade 12;

5. masisiguro na natin na bawat bata ay marunong nang bumasa bago tumuntong ng Grade 2;

6. mapapagbuti na natin ang kaalaman ng mga mag-aaral sa Agham at Matematika sa pagsusulong ng spiral approach sa ating bagong curriculum;

7. aabot na sa isang milyon ang mga GASTPE grantees at bahagya na nating maiitaas ang subsidy sa mga pribadong paaralan sa halagang 6,500 piso bawat estudyante bawat taon;

8. mayroon na tayong sapat na materyales para maumpisan ang Mother Tongue-based Multilingual Education o MTB-MLE para sa 12 pangunahing wika at sisikapin nating dagdagan pa ang mga pangunahing wika simula sa mga katutubong wikang nanganganib nang mawala;

9. sapat na ang bilang hindi lamang ng mga textbook kundi pati na rin ng mga upuan para sa lahat nating mga mag- aaral sa pagbubukas ng klase (ibig sabihin nito’y zero backlog na tayo sa textbooks and school furniture); at, 10.mayroon na tayong 24 na mga LGUs na lumagda ng pakikipagtulungan sa pagtatayo ng mga silid-aralan na umaabot na sa P1.3 B para sa kabuuang 3,473 classrooms (o mga 1,700 bagong classroom mula sa budget ng mga LGUs).

Mahal na Pangulo, sinasalubong natin ang panahong ito nang may matibay na pag-asa na kung ating pagtutulungan, kaya ng Pinoy na makipagtagisan ng talino kahit kanino sa mundo. Hinaharap natin ang mistulang pinakamalawak na repormang pangedukasyon sa ating siglo. Ang mga pagsubok ay matindi at ang mga dapat gawin ay napakarami pa. Hindi tayo maaaring panghinaan ng loob. Sa tuwid na landas, walang dapat maiwan. Ito po ang ating pananalig: kaya nating tugunan hindi lamang ang mga kakulangan; bagkus, kaya nating sama-samang buhayin ang pag-asa ng kinabukasan para sa bawat Pilipino.

Maraming salamat po.

deped.gov.ph

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s